Katanungan mula sa isang mambabasa:
Bakit nga ba tinatawag ng Simbahang Katolika si Maria na ginoo sa Aba, Ginoong Maria samantalang pantukoy ito para sa kalalakihan?
Ang kahulugan ng salitang 'Ginoo' ay nakadepende sa kung paano ito ginamit sa lumang panahon. Kung susuriin kasi natin ito sa kasalukuyang pakahulugan ay wala na ang orihinal nitong esensya; subalit, kung ating pagbabatayan ang paggamit nito bago pa ang kapanahunan ng pre-hispanikong Pilipinas ay mauunawaan natin na ang salitang ito ay ginagamit hindi lamang bilang pantukoy sa kalalakihan, na napapabilang sa mataas na antas ng lipunan, kundi maging na din sa kababaihang kasapi ng kanilang angkan. Ang tawag sa kanila noon ay 'maginoo'. Ang salitang maginoo, ayon sa librong "Contracting Colonialism: Translation and Christian Conversion in Tagalog Society Under Early Spanish Rule" ni Vicente L. Rafael, ay isang uri ng
"honorific title ... that was used to address a member of the village elite of either gender."
Dagdag pa niya, hindi lamang ang mga taong may mataas na katayuan ang tinatawag na maginoo kundi pati nadin ang mga taong nakatanggap ng pagkilala o respeto mula sa kanilang bayan o barangay. Ang paliwanag ni Rafael ay sinigundahan ng ibinigay na paliwanag nina Padre Juan José de Noceda at Padre Pedro de Sanlucar sa Vocabulario de la lengua tagala: compuesto por varios religiosos doctos y graves, y coordinado. Base sa naturang libro, ang Ginoo ay hindi lamang deskripsyon na ibinibigay sa lalaki kundi ito'y ginagamit din maging sa babae. Sa madaling sabi, niyutral na pantukoy ang pangalangang ginoo at ang pang-uring maginoo sa parehas na kasarian.
![]() |
| Doctrina Christiana |
Tuwiran lamang nagkaroon ng hiwalay na termino ng parangal ang lalaki't babae nito lamang ikalabingsiyam na siglo. Dito ipinasok na sa talatinigan ang salitang 'Ginang' upang magsilbing pantukoy sa babaeng marangal. Subalit magpaganunman, pinanatili padin sa orihinal na porma ang dasal na Aba Ginoong Maria sa lumang Tagalog sa dahilang dala-dala nito ang awtentikong diwa ng salitang Ginoo, lalo na kung ang tinutukoy ay isang taong dakila o prinsipal na katulad ni Birheng Maria.
Ngayon heto pa ang ilang halimbawa na nagpagpapakita sa salitang Ginoo sa kahalintulad na depinisyon sa itaas:
Paglinawan Mamerto, Diksionariong Kastila-Tagalog (Diccionario Hispano-Tagalog), Limbagang "El Progreso", 1913, p. 428
MacKinlay, William Egbert Wheeler, A handbook and grammar of the Tagalog language, Washington: Government Printing Office, 1905, p.53
Philippine Social Sciences and Humanities Review, Volume 45, College of Liberal Arts, University of the Philippines, 1981, p. 440
Laktaw, Pedro Serrano, Diccionario Tagalog-Hispano, Islas Filipinas: Manila, 1914, p. 268




